Buenas dias amigos!
Sobrang busy tayo kahapon kung kaya’t hindi agad tayo nakapag-canvass hinggil sa magiging uniporme
ng Pinoy Hot Line Riders Club, pero sa araw na ito, tutungo tayo sa Quiapo para mangamvass.
Bukod sa uniporme, kasalukuyan din nating inaasikaso ang sticker ng PHLRC. Kailangan kasi na magkaroon na
tayo nito bago ang Marso 21, 2010 kung saan muling magmi-meeting ang buong puwersa ng PHLRC sa Quezon City Circle ganap na
alas-3:00 ng hapon.
Nitong nakaraang Linggo, naging matagumpay ang meeting ng mga opisyales at miyembro ng PHLRC.
Napag-usapan ng ating mga kasama kung ano ang tunay na layunin ng samahang ito.
Bukod sa mga biyahe, bubuo rin ng proyekto ang samahan na makakatulong sa ating kalikasan at sa bayan.
Napag-usapan din sa naturang meeting ang tamang pagdidisiplina sa oras na sabay-sabay na bumibiyahe ang buong
PHLRC para maiwasan ang anumang aksidente.
Bukod diyan, kailangan din na nasa kondisyon ang makina ng motorsiklo bago bumiyahe o sasama sa kahit anumang
operasyon ng PHLRC.
Higit sa lahat, ang pagpapatupad ng pagmamahal at pagmamalasakit sa bawat kasama sa PHLRC lalo pa’t
itinuturing ng bawat isa sa samahang ito bilang magkapatid.
Hindi naman siguro pupuwede na basta-basta na lamang natin deadmahin ang ating kasama sa oras ng sakuna at
kagipitan.
Naging maganda ang meeting ng buong PHLRC nitong Linggo.
Pero, ayon sa kasabihan, sa haba-haba man ng prosisyon sa simbahan pa rin ang tuloy, nguni’t sa PHLRC,
sa haba-haba man ng kuwentuhan, sa tagayan pa rin nagkaalaman! Ha ha ha!
Gayunman, patuloy nating ipinaalala sa ating mga kasama na ‘wag uminom ng alak kung magda-drive ng
motorsiklo. Marami nang natodas dahil sa alak na iyan.
Kapag mahuli ka ng parak na nagda-drive ka na nakainom ng alak, tumatagintin na P2,000 ang babayaran mo sa
trapik.
At kapag natodas ka sa daan, kawawa ang pamilya mo bukod pa ‘yung mga gastusin sa puninarya at sa sementeryo.
Tsk, tsk, tsk!
Kaya, paalala natin sa ating mga kasama maging sa mga readers ng Pinoy Hot Line na araw-araw na nagda-drive
ng motorsiklo, tripleng pag-iingat lang po ang kailangan kapag hawak n’yo na ang manibela ng motorsiklo ninyo.
Ika nga nila, kapag nagda-drive ka ng motorsiklo, nakalibing na sa hukay ang isa mong paa, pero lahat ng
ito ay maiiwasan kung mayroon kang disiplina sa pagmamaneho.
Marami pa tayong pag-uusapan hinggil sa safety tips sa pagmamaneho ng motorsiklo at ipagpapatuloy natin ito
sa seminar ng PHLRC sa Linggo, Marso 21, 2010, sa Quezon City Circle, ganap na alas 3:00 ng hapon.
At sa lahat ng mga tumawag at nag-text sa atin kahapon para sumali sa PHLRC, kita-kits tayo sa Linggo! At
siyempre pa, welcome po sa Pinoy Hot Line Riders Club!
Samantala, binabati natin ang mga empleyado sa opisina ng Pitshop na si Ka. Ernie, Ka. Marlou, Ka. Ariel,
at Ka. Aida. Magandang araw sa inyong lahat diyan, mga kasama! Tagay na!
May nag-text!
"Dear Joana_08, gusto kong malaman mo na mahal na mahal kita, miss na miss kita. Mula nang mawalay ka sa
akin parang ‘di na kumpleto ko ang araw. Ngayon ko lang napagtanto na ikaw ang kailangan ko. Please, maawa ka na sa
akin. Bumalik ka na sa akin, mahal. Hirap na hirap na ako sa kalagayan ko ngayon. Sana bumalik ka na. Patawarin mo ako kung
ano man ang nagawa kong kasalanan. Miss na miss na miss na miss na kita.
Nagmamahal ng lubos,
Max_08
Haaaay, ang pag-ibig nga naman oo.
Sa mga ‘di pa nakakaalam, si Max_08 ay miyembro ng PHLRC.
Alamin n’yo na lang kung sino siya sa Linggo!
Adios, amigos!